MANILA, Philippines – PINAPABILIS ng pamahalaan ang pagbuo ng mas malinaw na panuntunan sa pagsususpinde at pagpapatuloy ng klase, lalo na sa gitna ng pabagu-bagong lagay ng panahon.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kailangan pang pag-aralan at pagtugmain ang panukalang guidelines para matiyak na malinaw at napapanahon ang mga anunsyo.
Paliwanag ni Castro, madalas nagbabago ang lagay ng panahon kaya may mga pagkakataong maaraw matapos ang class suspension advisory, habang mayroon ding biglaang malakas na ulan kahit tuloy ang klase.
“Minamadali po ito, dahil nga ang sabi ng Pangulo kahapon na ang panahon ay paiba-iba lalo na ngayon at minsan biglang bubuhos ang ulan o bigla namang walang ulan. So, kinakailangan po itong mas mabilisan, kasi mas marami po kasing naapektuhan, mga bata at mga magulang, kapag hindi agad nagkakaroon ng announcement,” ani Castro.
Ayon pa sa opisyal, kailangan ng mas mabilis na sistema dahil maraming bata at magulang ang naaapektuhan kapag hindi agad nailalabas ang desisyon.
Kabilang sa pinag-aaralan ang malinaw na paghahati ng responsibilidad ng mga local government unit o LGU, at Department of Education o DepEd, sa pagdedesisyon at pag-aanunsyo ng class suspension o resumption.
Mungkahi aniya na manggaling sa mga LGU ang desisyon, ngunit kailangan itong maitugma sa mga weather alert level, gaya ng red at yellow warning, upang maiwasan ang magkakaibang anunsyo mula sa mga alkalde, gobernador at DepEd.
“So kailangan magkaroon ng pagtutugma para hindi magkagulo kung i-announce ba ng local, i-announce ng Mayor, i-announce ng Governor, i-announce ng DepEd. So, ganoon, pero pinapamadali ito ng Pangulo,” ayon kay Castro. KRIS JOSE