MANILA, Philippines — Magsasagawa ng walkout ngayong Biyernes, Setyembre 18, ang mga estudyante mula sa ilang campus ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) bilang protesta laban sa umano’y korapsyon sa pamahalaan at mga panukalang pagbawas sa badyet ng ilang state universities and colleges (SUCs).
Batay sa mga anunsyo ng mga student council at organisasyon, nakatakda ang walkout sa UP Diliman dakong alas-11:30 ng umaga, UP Los Baños alas-11 ng umaga, at UP Mindanao alas-2:30 ng hapon.
Kinumpirma rin ng UP Action Network-Los Baños ang pagkilos sa UPLB kaugnay ng pagtutol nito sa budget cuts sa ilang SUCs at iba pang isyung iniuugnay ng grupo sa korapsyon.
Makikilahok din umano ang mga estudyante mula sa PUP campuses sa Manila, Sto. Tomas, Taguig, Sta. Rosa at Quezon City, ayon sa Office of the Student Regent.
May nakatakda ring protest actions ang ilang student organizations mula sa iba pang unibersidad, kabilang ang iba pang UP campuses at ilang paaralan sa Metro Manila at mga lalawigan.
Nauna nang iginiit ng National Union of Students of the Philippines na 43.46% ng mga SUC sa bansa ang maaaring makaranas ng budget cuts sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Gayunman, nilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) na ang kabuuang panukalang pondo para sa SUCs sa 2027 National Expenditure Program ay P141.09 bilyon, mas mataas ng P6.099 bilyon o 4.5% kumpara sa P134.991 bilyon sa 2026 NEP. Mas mababa naman ito ng 2.1% kumpara sa 2026 General Appropriations Act, na ayon sa DBM ay dahil sa ilang non-recurring expenditures na naisama sa kasalukuyang badyet.
Ang mga pagkilos ng mga estudyante ay ginagawa ilang araw bago ang Setyembre 21, kung kailan inaasahan din ang magkakahiwalay na protesta ng ilang progresibo at sektoral na grupo kaugnay ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972. RNT