MANILA, Philippines — Target ng pamahalaan na magkaroon ang Pilipinas ng hindi bababa sa 1,200 megawatts (MW) na nuclear power capacity pagsapit ng 2032, alinsunod sa Philippine Energy Plan (PEP) 2023-2050.
Nakasaad sa PEP na target ang commercial operation ng unang nuclear power plant sa 2032, kasunod ng pagkumpleto sa mga kinakailangang paghahanda sa regulasyon, imprastraktura, kaligtasan at konstruksyon.
Sinabi ni Department of Energy (DOE) Energy Research Testing and Laboratory Services Director Amelia de Guzman na patuloy ang pag-aaral ng pamahalaan sa mga posibleng lokasyon ng nuclear facility at wala pang pinal na site na napipili.
Kabilang sa mga isinasaalang-alang sa pagpili ng lugar ang distansya nito mula sa active faults at bulkan, lapit sa mga komunidad at posibleng overlap sa ancestral domains.
Bahagi rin ng paghahanda ang pagtalakay sa 19 nuclear infrastructure issues na itinakda ng International Atomic Energy Agency (IAEA), kabilang ang legal at regulatory framework, nuclear safety, radioactive waste management at radiation protection. Kinumpirma rin ng DOE na ginagamit ang nasabing IAEA framework sa pagpapaunlad ng nuclear energy program ng bansa.
Sa ilalim ng PEP, nakatakda ring madagdagan pa ang nuclear capacity matapos ang paunang 1,200 MW sa 2032 bilang bahagi ng pangmatagalang pagbabago sa power generation mix ng bansa.
Gayunman, sinabi ng DOE na kailangan munang makumpleto ang site assessment, legislation, regulatory requirements, safety preparations at iba pang kinakailangang imprastraktura bago makapagsimulang mag-operate ang anumang nuclear power plant. RNT