MANILA, Philippines — Muling iginiit ng China na hindi nito kinikilala ang 2016 arbitral award sa South China Sea kasunod ng iniulat na pagsuporta ng Poland sa desisyong pabor sa Pilipinas.
Sa pahayag nitong Huwebes, Setyembre 17, sinabi ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng na itinuturing ng Beijing na “illegal, null and void” ang arbitral award at wala umano itong binding force sa China.
Ginawa ni Ji ang pahayag matapos umanong sabihin ni Polish Secretary of State for Foreign Affairs Władysław Teofil Bartoszewski na obligadong sumunod ang China sa 2016 ruling at sinusuportahan ng Poland ang Pilipinas sa usapin.
Iginiit ng Chinese Embassy na hindi partido ang Poland sa South China Sea dispute at hinimok itong maging maingat sa mga pahayag at huwag suportahan ang arbitral award.
Inilabas noong Hulyo 12, 2016 ang arbitral award sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China sa ilalim ng Annex VII ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ang Permanent Court of Arbitration ang nagsilbing registry ng proceedings.
Kabilang sa naging pasya ng tribunal na walang legal na batayan ang pag-angkin ng China ng historic rights sa mga maritime area na lampas sa mga karapatang pinapayagan sa ilalim ng UNCLOS. Hindi lumahok ang China sa proceedings at patuloy nitong tinatanggihan ang ruling. RNT