MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaari pa ring gumamit ng ibang valid government-issued ID ang mga indigent senior citizen sa pagkuha ng kanilang social pension kahit wala silang National ID.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, tinatanggap sa pension payout ang iba’t ibang government-issued identification cards, kabilang ang Senior Citizen o OSCA ID.
Bagama’t itinuturing na pangunahing ID ang National ID, hindi umano pagkakaitan ng benepisyo ang kwalipikadong senior citizen na wala pa nito basta makapagpakita ng ibang valid government-issued ID upang ma-verify ang kanyang pagkakakilanlan.
Kabilang sa mga maaaring tanggapin ang PhilHealth ID, voter’s ID, driver’s license, Postal ID, PWD ID, SSS-UMID, GSIS e-card, PRC ID at iba pang government-issued IDs na may pangalan, larawan at iba pang kinakailangang impormasyon ng benepisyaryo.
Sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens, tumatanggap ang kwalipikadong benepisyaryo ng P1,000 kada buwan upang makatulong sa kanilang pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kabilang sa mga kwalipikado ang mga senior citizen na 60-anyos pataas na mahina, may karamdaman o kapansanan, walang regular na pinagkukunan ng kita o sapat na suporta mula sa pamilya, at hindi tumatanggap ng ibang pension.
Hinimok din ng DSWD ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon hinggil sa social pension mula sa mga opisyal na channel ng pamahalaan upang maiwasan ang maling impormasyon. RNT