MANILA, Philippines – Muling makaaapekto ang southwest monsoon o “habagat” sa ilang bahagi ng bansa simula Sabado, Sept. 19, ayon sa PAGASA.
Ayon sa weather specialist na si Leanne Loreto, posibleng mawala ang low-pressure area (LPA) sa kanluran ng Palawan sa loob ng 24 oras matapos itong makarating sa West Philippine Sea.
Dahil dito, inaasahang mananaig ang habagat sa western sections ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao hanggang Martes, Sept. 22.
Inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Palawan at Occidental Mindoro. Sa ibang bahagi ng bansa, magiging bahagyang maulap hanggang maulap na may isolated rain showers o thunderstorms.
Posibleng humina muli ang habagat pagsapit ng Miyerkules, Sept. 23.
Samantala, hindi na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) o makaaapekto sa bansa ang Severe Tropical Storm Dujuan, ayon sa PAGASA. RNT/MDS