MANILA, Philippines – Tinitimbang ng pamahalaan ang posibleng fare adjustment para sa public utility vehicles (PUV) habang naghahanda rin ito ng panibagong tulong para sa mga driver at operator na apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nakipagpulong ito at iba pang ahensya sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee kay Executive Secretary Ralph Recto nitong Huwebes upang talakayin ang mga hakbang para maibsan ang epekto ng tumataas na fuel at operating costs.
“Kabilang sa mga tinalakay ang proposed fare adjustment para sa public utility vehicles, at umaasa tayong magkakaroon ng positibong desisyon sa mga susunod na araw,” pahayag ng DOTr.
Kasunod ito ng inaasahang matinding pagtaas ng presyo ng petroleum products sa susunod na linggo, kung saan posibleng umabot sa P9 kada litro ang itaas ng presyo ng diesel.
Bukod sa posibleng fare hike, magsasagawa rin ang DOTr ng panibagong targeted assistance sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tanging mga kwalipikadong transport operator at driver ang maaaring makatanggap ng naturang ayuda, ayon sa DOTr.
Samantala, nakabinbin pa rin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga petisyon para sa fare increase. Binigyan umano ng DOTr ang LTFRB hanggang Oktubre upang resolbahin ang mga naturang petisyon.
Isinasaalang-alang din ng ahensya ang pagpapalawak ng fuel assistance bilang alternatibo o karagdagang hakbang sa fare increase.
Ilang transport group naman ang nananawagan ng dagdag-pasahe dahil sa pagtaas ng fuel at iba pang operating expenses. May isang grupo ring humiling ng provisional fare increase na P1 hanggang P2 kasunod ng inaasahang oil price hike.
Patuloy naman ang iba pang UPLIFT initiatives ng gobyerno, kabilang ang toll exemption para sa provincial buses at terminal fee waivers sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Kasama rin dito ang monthly membership fee waivers sa SM public transport terminals, 50% fare discount sa MRT-3 at LRT-2, Piso RoRo terminal fees at Libreng Sakay services sa pamamagitan ng partner government agencies. RNT/JGC