Home TOP STORIES SK Matandang Balara inilunsad transparency portal sa budget, mga proyekto

SK Matandang Balara inilunsad transparency portal sa budget, mga proyekto

1
0

MANILA, Philippines — Inilunsad ng Sangguniang Kabataan ng Matandang Balara (SKMB) sa Quezon City ang isang transparency portal na nagbibigay sa publiko ng access sa impormasyon kaugnay ng badyet, mga proyekto at programa nito.

Ang portal na pinamagatang “Budget ng Kabataan: SKMB Transparency Portal — Buwis Mo, Bukas sa Publiko” ay ipinakilala sa State of the Youth Address (SOYA) ng SKMB nitong Sabado, Setyembre 19.

Ayon kay SKMB Chairperson Marie Leonora Belle Aro, layunin ng portal na palakasin ang transparency at accountability sa paggamit ng pampublikong pondo at gawing mas madaling ma-access ng mga kabataan at iba pang residente ang impormasyon hinggil sa mga programa at gastusin ng SK.

“Ang aming SKMB ay tumatanggap ng taunang badyet na P11.4 milyon at dapat kaming maging ganap na responsable at may pananagutan dito, lalo na sa aming mga nasasakupan—ang mga kabataan,” pahayag ni Aro.

Sinabi ni Aro na hango ang inisyatiba sa People’s Budget Portal ng Naga City at naglalaman ang SKMB portal ng impormasyon tungkol sa mga proyekto, programa at aktibidad ng konseho sa kasalukuyang termino.

Makikita rin dito ang mga budget records, project information, reports at iba pang dokumentong may kaugnayan sa operasyon at mga programa ng SK.

“Bukas sa publiko ang portal ng SKMB upang maipakita ang transparency kung saan napupunta ang buwis na ibinabayad ng taong bayan,” ani Aro.

Kabilang din sa portal ang aplikasyon para sa SKMB Passbook o Katipunan ng Kabataan ID at pagpaparehistro sa iba’t ibang programa ng konseho.

Ayon kay Aro, layunin nilang gamitin ang passbook bilang mekanismo para sa pakikilahok ng mga kabataan sa mga aktibidad ng SK at sa pag-access ng ilang serbisyong pang-edukasyon, medikal at panlipunan.

Maaari ring gamitin ng mga kabataan ng Matandang Balara ang portal upang makita at mag-aplay sa mga programang gaya ng scholarship, seminar, training, sports at cultural activities.

Umaasa naman si Aro na maaaring magsilbing halimbawa ang kanilang transparency initiative sa iba pang SK at barangay councils upang higit pang gawing accessible sa publiko ang impormasyon hinggil sa paggamit ng pondong bayan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here