MANILA, Philippines — Walang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila sa Lunes, Setyembre 21, 2026, kasabay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.
Ipinatupad ang suspensiyon bilang hakbang sa pag-iingat sa mga estudyante dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga grupo na magsasagawa ng mga pagtitipon, martsa, rally at iba pang aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Ayon sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, isinagawa ang hakbang kasunod ng rekomendasyon ng Manila Police District (MPD), na nagbabala sa posibleng epekto ng mga aktibidad sa daloy ng trapiko at sitwasyon sa ilang lugar sa Maynila.
Bukod sa posibleng pagsasara ng mga lansangan, inaasahan ding maaaring magkaroon ng matinding pagsisikip ng trapiko at malalaking pagtitipon sa mga pampublikong lugar.
Dahil dito, pinili ng lokal na pamahalaan na alisin muna ang face-to-face classes upang mabawasan ang pagkakalantad ng mga mag-aaral sa mga posibleng abala at panganib habang ginugunita ang mahalagang petsa sa kasaysayan ng bansa.
Pinayuhan naman ang mga paaralan na ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Delivery Mode (ADM) upang hindi tuluyang maantala ang mga aralin sa kabila ng suspensiyon ng pisikal na pagpasok.
Samantala, inaasahang magbibigay ang mga paaralan ng kaukulang abiso sa mga estudyante at magulang hinggil sa paraan ng pagpapatuloy ng klase sa araw ng suspensiyon. JAY Reyes