Home HOME BANNER STORY Baril sa Banga school shooting, pag-aari ng DepEd employee

Baril sa Banga school shooting, pag-aari ng DepEd employee

2
0

KORONADAL CITY — Pag-aari ng isang empleyado ng Department of Education (DepEd) ang baril na ginamit umano ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, ayon kay Banga Mayor Albert Palencia.

Sinabi ni Palencia na batay sa kanilang paunang impormasyon, kinuha ng menor de edad ang Glock 9mm pistol mula sa vault sa kanilang bahay matapos umano itong sirain.

Hindi muna isinapubliko ng alkalde ang pagkakakilanlan ng DepEd employee at ng kanyang anak habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Naganap ang pamamaril dakong alas-1:15 ng hapon noong Biyernes, Setyembre 18, sa isang silid-aralan ng Grade 9 students sa Banga National High School sa Barangay Benitez.

Tatlo ang nasawi, kabilang ang estudyanteng itinuturong gunman, habang ilang iba pang estudyante ang nasugatan. Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang buong pangyayari at kung paano nakuha at naipasok ng menor de edad ang baril sa paaralan.

Kasabay nito, hiniling ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa Department of Information and Communications Technology at PNP Anti-Cybercrime Group na imbestigahan ang isang online community na iniulat na sinalihan ng menor de edad.

Binigyang-diin naman ni Tamayo na hindi pa dapat gumawa ng konklusyon hinggil sa posibleng kaugnayan ng naturang online group sa pamamaril habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa insidente, partikular kung paano nakakuha at nakapasok sa paaralan ang menor de edad na may dalang baril. Mary anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here