MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na gamitin ang mga barangay tanod bilang dagdag na puwersa sa pagbabantay sa mga paaralan at ang ilang security practice sa ibang bansa, kabilang ang paghihigpit o pagbabawal sa paggamit ng gadgets, kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na maaaring magsilbing force multipliers ang mga barangay tanod mula sa mahigit 42,000 barangay sa pagbabantay sa tinatayang 49,000 pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Handa rin aniya ang PNP na makibahagi sa Joint School Safety Task Force na iminungkahi ng Department of Education (DepEd) upang magsagawa ng site-specific security audit sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Nartatez, kabilang sa pag-aaralan ang mga hakbang na tinalakay sa ASEANAPOL Conference noong Hulyo, gaya ng mga patakaran sa gadgets at iba pang programang pangseguridad na ipinatutupad sa ilang paaralan sa ibang bansa.
Nilinaw naman na pag-uusapan pa ng PNP, DepEd at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga naturang hakbang kapag naitatag na ang task force.
Kasabay nito, inatasan ni Nartatez ang Anti-Cybercrime Group na palakasin ang pagbabantay sa mga online space na maaaring ginagamit upang magpalaganap o magbigay-gloripikasyon sa karahasan.
Dumating ang panukala matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre 18 na ikinasawi ng tatlong menor de edad, kabilang ang itinuturong gunman.
Sinabi naman ng NCRPO na palalakasin nito ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, school administrators at security personnel upang mapahusay ang seguridad sa mga paaralan sa Metro Manila. RNT