MANILA, Philippines — Inaasahang magpupulong sa caucus ang mga senator-judge sa Lunes, Setyembre 21, upang talakayin ang kontrobersyal na voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Sen. JV Ejercito.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, sinabi ni Ejercito na posibleng pag-usapan kung pagbobotohan ng mga senator-judge ang usapin o pagpapasyahan ito ng presiding officer batay sa consensus ng impeachment court.
Sentro ng usapin kung ang constitutionally required na two-thirds vote para sa conviction ay dapat ibatay sa buong 24-member Senate o sa bilang lamang ng mga senator-judge na legal na maaaring lumahok at bumoto sa paglilitis.
Nauna nang humingi ng opinyon ang Senate impeachment court sa mga amici curiae na sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Hilario Davide Jr. at Reynato Puno, gayundin kay retired Associate Justice Adolf Azcuna.
Ipinunto nina Panganiban, Davide at Puno na hindi awtomatikong nakapirmi sa 16 boto ang kinakailangang bilang para sa conviction at maaaring isaalang-alang kung sino sa mga senador ang aktuwal na may kakayahang lumahok sa proceedings.
Iba naman ang posisyon ni Azcuna, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution, na nagsabing ang two-thirds requirement ay dapat nakabatay sa lahat ng miyembro ng Senado, kaya 16 boto ang kailangan para sa conviction.
Lumutang ang usapin dahil may ilang senador na hindi nakalalahok sa impeachment proceedings dahil sa magkakaibang sitwasyon, kabilang ang pagkakadetine, pagiging nasa ibang bansa o iba pang hadlang sa pagdalo. RNT