Home NATIONWIDE Kapatid ni Kim Chiu, arestado sa qualified theft case

Kapatid ni Kim Chiu, arestado sa qualified theft case

4
0

MANILA, Philippines — Arestado ang kapatid ng aktres na si Kim Chiu na si Lakambini “Lakam” Chiu kaugnay ng kasong qualified theft na isinampa laban sa kanya.

Dinakip si Lakambini, 45, ng mga tauhan ng Quezon City Police District dakong alas-4:06 ng hapon nitong Sabado, Setyembre 19, sa Barangay Wack Wack, Mandaluyong City, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 84.

Nakatakda sa P5.838 milyon ang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang commitment order ng korte.

Nahaharap si Lakambini sa 124 counts ng qualified theft matapos makita ng Quezon City Office of the City Prosecutor na may sapat na basehan upang isampa ang mga kaso kaugnay ng umano’y mga withdrawal at online transfer mula sa corporate funds ng House of Little Bunny Philippines Inc., negosyong kaugnay ng magkapatid.

Batay sa prosecution resolution, umaabot sa halos P44.4 milyon ang kabuuang halagang sangkot sa mga transaksyong iniugnay sa reklamo.

Nauna nang sinabi ng abogado ni Lakambini na nalulungkot ang kanyang kliyente sa desisyon ng kapatid na ituloy ang kaso ngunit umaasa pa rin itong maaaring maresolba ang usapin sa loob ng pamilya. Iginiit din ng kanyang kampo na haharapin niya ang mga paratang sa tamang proseso ng batas.

Ang pagsasampa ng kaso ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang pananagutan ni Lakambini, na pagpapasyahan pa ng hukuman matapos ang paglilitis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here