Home METRO 7 armadong lalaki patay sa engkwentro sa Tugunan, BARMM

7 armadong lalaki patay sa engkwentro sa Tugunan, BARMM

4
0

COTABATO CITY — Umakyat sa pito ang bilang ng mga miyembro ng armadong grupo na nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga operatiba ng pulisya at militar sa Tugunan, Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa Army’s 6th Infantry Division (6ID).

Naganap ang bakbakan noong Sabado, Setyembre 19, habang nagsasagawa ang Philippine National Police (PNP), sa suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ng operasyon upang magsilbi ng warrant of arrest laban sa isang indibidwal na nahaharap sa kasong carnapping at homicide.

Ayon kay 6ID spokesperson Lt. Col. Ronald Suscano sa ABS-CBN News, anim ang unang naiulat na nasawi ngunit may isa pang bangkay na kalaunang natagpuan, kaya umakyat sa pito ang fatalities sa panig ng armadong grupo.

Sinabi ng militar na pinaputukan umano ng target at kanyang mga kasama ang mga operatiba habang papalapit ang mga ito, dahilan upang magkaroon ng palitan ng putok.

Narekober sa lugar ang limang high-powered firearms, kabilang ang apat na M16 rifle at isang Garand rifle.

Dahil sa labanan, humigit-kumulang 350 residente ang pansamantalang lumikas at nanunuluyan sa dalawang evacuation center habang patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at mga ahensya para sa kanilang seguridad at pangunahing pangangailangan.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang 6ID at 602nd Infantry Brigade sa mga lokal na awtoridad upang mapanatili ang seguridad sa lugar at matukoy kung kailan ligtas nang makabalik ang mga residenteng lumikas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here