Home HOME BANNER STORY Robredo nilinaw paggagamitan ng P500-M pondo sa Naga City

Robredo nilinaw paggagamitan ng P500-M pondo sa Naga City

3
0

MANILA, Philippines — Nilinaw ni Naga City Mayor Leni Robredo kung saan ilalaan ang P500 milyong grant mula sa national government matapos kuwestiyunin ni Caloocan Rep. Edgar “Egay” Erice ang pondong ibinigay sa lungsod.

Sa Facebook post, sinabi ni Robredo na P450 milyon ang ilalaan sa rehabilitasyon at retrofitting ng Jesse M. Robredo Coliseum habang P50 milyon naman ang gagamitin sa pagbili ng heavy equipment para sa disaster response.

Ayon kay Robredo, ang coliseum, na itinayo noong 2009 at binuksan noong 2010, ay nagsisilbi na ring pinakamalaking evacuation center ng Naga tuwing may kalamidad kahit hindi ito orihinal na idinisenyo para sa naturang gamit.

Sinabi niyang kulang ang pasilidad sa mga pangunahing kailangan ng evacuees, kabilang ang sapat na lugar para sa mga tent, communal kitchens, storage area para sa relief goods at mga comfort room na magagamit kahit may pagbaha.

Matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine, sinabi ni Robredo na lalo nilang nakita ang pangangailangang ipaayos at i-retrofit ang gusali.

Aniya, matapos siyang manungkulan bilang alkalde noong 2025 ay naghanap na ang lungsod ng mapagkukunan ng pondo at kalaunan ay nag-apply sa Local Government Support Fund.

Noong Pebrero, iniabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Naga City ang Special Allotment Release Order na nagkakahalaga ng P500 milyon. Kinumpirma rin noon ng Malacañang ang paglalaan ng naturang pondo para sa modernization at retrofitting ng coliseum.

Ayon kay Robredo, nasa post-qualification stage na ang bidding para sa proyekto at target na masimulan ang construction sa Oktubre matapos mailipat sa pansamantalang tanggapan ang mga ahensya at organisasyong kasalukuyang gumagamit ng coliseum.

Nauna nang kinuwestiyon ni Erice ang P500 milyong alokasyon sa Naga City at nagtanong kung may political consideration sa likod nito. Itinanggi naman ng Malacañang na may pulitika sa pagbibigay ng pondo at iginiit na hindi lamang Naga City ang nakatanggap ng tulong sa ilalim ng LGSF. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here