Home METRO 1 tigok, 1 sugatan sa bundol ng senglot na SUV driver

1 tigok, 1 sugatan sa bundol ng senglot na SUV driver

1
0

CEBU CITY — Patay ang isang 27-anyos na babae habang sugatan ang isang 56-anyos na American national matapos silang araruhin umano ng SUV na minamaneho ng lalaking nakainom ng alak sa General Maxilom Avenue, Cebu City, madaling araw nitong Lunes.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-2:50 ng madaling araw habang naglalakad ang dalawang biktima sa kabilang bahagi ng kalsada.

Batay sa CCTV footage, lumihis umano ang SUV mula sa kanang bahagi patungo sa kabilang lane bago mabangga mula sa likuran ang dalawang pedestrian.

Tumilapon sa sidewalk ang American national habang nasagasaan naman ng SUV ang babaeng kasama nito.

Hindi umano agad huminto ang driver at nagpatuloy hanggang malapit sa Fuente Circle, humigit-kumulang isang kilometro mula sa pinangyarihan, bago siya naabutan ng isang barangay tanod.

Bumalik umano ang driver sa lugar at kalaunan ay sumuko sa mga awtoridad.

Sa breathalyzer test, nakapagtala umano ang driver ng 0.384 alcohol reading. Sinabi rin umano nito sa imbestigador na pauwi na siya matapos uminom kasama ang mga kaibigan nang makatulog siya sa manibela.

Dinala ang dalawang biktima sa Cebu City Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ang babae. Patuloy namang ginagamot sa ospital ang American national.

Inisyuhan ng temporary operator’s permit ang driver dahil sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak at nananatili itong nasa kustodiya ng Cebu City Police Traffic Enforcement Unit habang inihahanda ang kaukulang mga kaso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here