MANILA, Philippines – Isang lalaking itinuturing na Regional Level No. 1 Most Wanted Person ang napasakamay ng awtoridad makaraang maaresto sa isinagawang operasyon sa Barangay Javalera Phase 1, General Trias City, Cavite,
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Win”, 39, may asawa, factory worker na residente ng Barangay Biclatan, sa nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-8:00 ng umaga nitong nakaraang Setyembre 21 ay isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) laban sa mga wanted person.
Sa ulat ng pulisya, si Alyas Sergio ay may 10 warrant of arrest kaugnay naman sa kasong Qualified Rape, sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code, as amended by Republic Act No. 8353.
Ang mga warrant ay nakapaloob sa Criminal Case Nos. TMCR-1530-26-GT hanggang TMCR-1539-26-GT, na inilabas ni Hon. Paul Michael T. Mejia, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 131, Trece Martires City, Cavite.
Walang inirekomendang piyansa para sa mga nasabing kaso.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa General Trias Custodial Facility sa Barangay Bagumbayan, General Trias City, habang hinihintay ang pagbabalik ng mga warrant sa korte na pinagmulan nito at ang kasunod na pag-isyu ng Commitment Order. MARGIE BAUTISTA