MANILA, Philippines – Umabot sa 35 barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLAN) ang namonitor sa apat na pangunahing bahagi ng West Philippine Sea mula Setyembre 15 hanggang 21, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mas mababa ito kumpara sa 48 Chinese vessels na naitala ng AFP mula Setyembre 8 hanggang 14.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, apat na CCG vessel at pitong PLAN ship ang namataan sa Ayungin Shoal.
Sa Bajo de Masinloc naman, 10 CCG at anim na PLAN vessel ang namonitor, habang apat na CCG ship ang nakita sa Escoda Shoal.
Tatlong CCG vessel at isang PLAN ship naman ang naitala sa paligid ng Pag-asa Islands.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ipagpapatuloy ng militar ang naval at air patrols bilang bahagi ng territorial at maritime security operations ng bansa.
Ayon sa AFP, isinasagawa ang mga operasyon alinsunod sa mga batas ng Pilipinas, international law at umiiral na maritime procedures. RNT