Home OPINION NCAP SA MAYNILA, LGU MAMAMAHALA

NCAP SA MAYNILA, LGU MAMAMAHALA

2
0

KINUMPIRMA ni MTPB (Manila Traffic and Parking Bureau) Operations Chief Wilson Chan, Sr. na sila na mismo ang mamamahala sa No Contact Apprehension Policy sa mga pangunahing lansangan sa buong Lungsod ng Maynila.

Ayon pa kay Mr. Chan, hindi na tulad noong unang inilunsad ito noong panahon ng pandemya kung saan pinamahalaan ng pribadong kompanyang QPax Traffic Systems Inc. na kalaunan ay napabilang sa inisyuhan ng TRO (temporary restraining order) ng Korte Suprema na humantong sa injunction.

Makaaasa rin aniya ang mga motoristang mahuhuling lalabag sa batas trapiko na nakabatay sa umiiral na Metro Manila Traffic Code of 2023 na isang patakaran ng Metropolitan Manila Development Authority at ng Metro Manila Council na layong pag-isahin ang mga batas-trapiko at magpatupad ng Single Ticketing System sa buong Metro Manila para sa pare-parehong halaga ng multa, kumporme sa kanilang nagawang paglabag.

Hindi kasi tulad noong pinamamahalaan ito ng pribadong kompanya na nagpapataw ng napakataas na multa kahit sa isang simpleng paglabag kaya maraming motorista ang nagrereklamo na dahilan na rin para ipahinto ng Mataas na Hukuman. Kasi naman noon, ang pribadong kompanya ang naglagay at nagmimintina ng mga CCTV na may napakalinaw na resolusyon na kahit gabi ay malinaw na nakikita ang plaka ng sasakyang minamaneho ng mga lumalabag sa batas trapiko kaya ganoon na lang kataas ang sinisingil nilang multa sa mga motorista.

Bukod pa siyempre rito ang ibinibigay nilang 30 porsiyento sa kada singil sa multa ng mga lumalabag sa batas trapiko sa lokal na pamahalaan ng Maynila. Pero ngayong ang mismong MTPB na ang mamamahala sa NCAP, asahan na ididiretso na sa kaban ng bayan ang kanilang masisingil na multa sa mga pasaway na motorista.

Ang kulang na lang siguro ay yung maisapubliko ng MTPB ang bilang ng mga mahuhuli at pagmumultahin nila nang sa gayon ay magsilbing babala ito sa mga pasaway pa ring motorista na walang takot lumabag kahit may karatula na sa maraming pangunahing lugar sa oras na maging epektibo na ito at gumagana ang NCAP.

Noong unang ipinatupad ang NCAP sa Maynila, napakarami pa ring pasaway na motorista, lalu na yung mga riders na garapalang lumalabag sa batas trapiko tulad ng paglagpas sa traffic light kahit naka-red signal pa, paghinto sa mismong pedestrian lane, pagpasok sa mga one-way street, at iba pa.

Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, naghihintay pa ang kanilang tanggapan ng abiso kung kailan opisyal na ipatutupad ang NCAP sa Lungsod ng Maynila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here