HINDI lang sa conviction sa impeachment trial may botong kailangang two-thirds of all members of the Senate.
Sa Article VII, Section 21 ng 1987 Constitution, malinaw: “No treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the Members of the Senate.”
Ginawang halimbawa ni Sen. Migz Zubiri ang nangyari noong March 19, 2001, nang mag-concur ang Senado sa apat na international agreements gamit ang 13 boto lamang at hindi 16.
Bakit 13?
Dahil noong panahong iyon, 20 na lamang ang aktuwal na miyembro ng Senado. Si Sen. Gloria Macapagal-Arroyo ay naging vice president. Si Sen. Teofisto Guingona Jr. ay naging vice president. Si Sen. Marcelo Fernan ay namatay. At si Sen. Raul Roco ay na-appoint na Secretary of Education. Dahil dito, apat na pwesto ang bakante.
Kaya maaaring maging batayan ba ang nangyari noong 2001 para sa impeachment trial ngayon?
Iba ang sitwasyon noon.
Ang apat na senador ay wala na sa Senado. Bakante ang kanilang mga pwesto.
Ngayon, ang mga senador na hindi makakadalo dahil nakakulong o nasa ibang bansa ay senador pa rin. Hindi nabakante ang kanilang mga pwesto. Hindi nawala ang kanilang pagiging miyembro ng Senado dahil lamang hindi sila pisikal na nakadalo.
Kaya hindi sapat na sabihing pareho lamang ang sitwasyon dahil pareho ang salitang “two-thirds.”
Maging ang mga dating justices na inimbitahan sa pagdinig ay nagbigay-diin na magkaiba ang constitutional functions. Ang treaty concurrence ay isang legislative function, samantalang ang impeachment ay isang trial, kung saan kailangang suriin ng senator-judges ang ebidensya bago magbigay ng hatol.
Kaya ang 13-vote precedent noong 2001 ay kailangang tingnan sa tamang konteksto.
Hindi pwedeng basta ilipat ang isang precedent mula sa ibang sitwasyon at gamitin ito na parang eksaktong kopya ng kasalukuyang kaso.
Magkaiba ang kalagayan noon. Magkaiba ang proseso ngayon. At magkaiba ang tanong na kailangang sagutin.
Kung mali ang pagbasa sa precedent, baka ang dapat sana’y malinaw na constitutional rule ay mauwi na naman sa “benda law” sa Konstitusyon.






