BAGO ang lahat, sinserong pakikiramay ulit sa pamilya at mga kaibigan ni Oswalo ‘Ka Waldy’ Carbonell at Recah Trinidad, mga beteranong mamamahayag at lifetime members ng NPC (National Press Club) sa kanilang pagpanaw ngayong buwan na ito. Ang inyong ambag sa larangan ng dyornalismo ay hindi makalilimutan.
Mainit at maingay na ‘Congratulations!’ naman kay National Capital Region Police Office Director PMGen. Chris Abrahano, isang opisyal na naging kaibigan natin noong police major pa lang siya at Philippine Drug Enforcement Agency Calabarzon regional director. Hinangaan at inirespeto natin si Gen. Chris dahil sa kanyang propesyonalismo sa trabaho. Magpakape ka naman, General Chris, hehe.
Maingay na pagbati din kay dating MPD at PRO5 director, PMGen. Andre Dizon sa kanyang bagong katungkulan bilang “bosing” ng PNP Cybercrime Division, panibagong hamon na alam nating kayang-kaya niyang gampanan. Mabuhay ka, Gen. Andre!
***
Public service muna tayo mga kabayan, hinggil sa kung ano na kaya ang nangyari dito kay Ms. Joyce Sasot?
Isang single mother na ulila na sa magulang at may 13-anyos na anak na lalaki, umalis si Joyce upang umuwi sa Iloilo noon pang Agosto 26.
Mayroon pala kasi siyang “minana”” na kapirasong lupa sa Iloilo nang mamatay ang kanyang ina (na dating pulis) at dahil hirap sa buhay sa kawalan ng maayos na trabaho, iniwan ang anak, nangutang ng pamasahe at umuwi ng Iloilo dahil mayroon na raw “buyer” ng lupa.
Ang problema, sadya umanong pulos “walanghiya” ang mga kamag-anak niya sa Iloilo na mas gusto pang makita umano siyang “patay” kesa sa kanya mapunta ang lupa na hind naman sa kanila.
Inaasahang nagkabayaran na sila ng kanyang buyer noon pang isang linggo subalit ang tanong, ano na ang nangyari? Bakit hindi na siya makontak?
Tinotoo kaya ng kanyang mga kamag-anak na “itumba” na lang siya dahil mag-isa lang naman siyang umuwi at kung nabayaran ang kanyang lupa ay pinag-interesan na lang nila?
Kung totoo ang Philippine National Police sa mandato nito na ‘to serve and to protect,’ tinatawagan natin ng pansin si PRO6 RD PBGen. Randulf Tuaño, Iloilo Police Provincial Director PCOL. Bayani Razalan at Iloilo City Chief of Police PCOL Wilbert Parilla, na magmalasakit at kumilos upang alamin ang kinasapitan ni Joyce.
“Maawa” din kayo, mga bosing, sa sitwasyon ng isang 13-anyos na bata na inabandona ng ama, hindi malaman kung paano kakain bawat araw, at ngayon ay nawawala pa ang ina.






