SA kabila ng mga akusasyon laban kay Vice President Sara Duterte sa kasong impeachment, lumilitaw naman ang mga pagdududa sa katiyakan sa mga nasabing akusasyon.
Kasama sa mga akusasyon ang grave threats, misuse o maling paggamit ng confidential fund at unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman at bribery at graft.
Pinakanakadududa sa lahat ng akusasyon ang bribery at graft at hindi lang pinakanakadududa kundi iniatras mismo ng prosekusyon ito at itinira na lang sa kalaunan ang misuse ng confidential fund at hindi maipaliwanag na yaman.
Hanggang sa kasalukuyan, lumilitaw sa mga cross examination sa lahat ng naging saksi ang kawalan ng mga personal na kaalaman sa mga galaw at rekord ni VP Sara, halimbawa, sa misuse of confidential fund at unexplained wealth.
Sa confidential fund, sadyang ‘di ipinatawag sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco na humawak nito para sa Office of the Vice President at Department of Education, ayon sa pagkakasunod sa kabila ng sila sana ang mag-uugnay kay VP Sara sa maling paggamit ng pondo.
Sa grave threats, tinanggal din ng prosekusyon si Atty. Zuleika Lopez na pinakasusi sa kalinawan dito.
At sa unexplained wealth, nanatiling walang personal na kaalaman ang mga saksi mula sa Security and Exchange Commission at Philgeps (Philippine Government Electronic Procurement System) sa personal na kaugnayan dito ni VP Sara.
Ang prosekusyon lamang ang nagsasabing totoo lahat ang akusasyon na kaiba sa mga sinasabi ng kanilang mga saksi.
Lumilikha lahat ng ito pagdududa ukol sa posisyon ng congressmen at prosecutors na nag-aakusa kay VP Sara.
Sa mga kasong kriminal, kapag lumitaw ang pagdududa sa mga akusasyon, pinawawalang-sala ang akusado.
Sa kasong impeachment ngayon, paano kaya ituturing ng mga senator-judge ang pagdududa bilang batayan ng kanilang pagdedesisyon?
O paiiralin nila higit ang pulitika para ideklarang nagkasala si VP Sara, mali man sila o hindi, na tiyak na labag sa kagustuhan ng mahigit 32 milyong nagluklok kay VP Sara sa pwesto.






