MALOLOS CITY, BULACAN, Philippines – Dumating sa Malolos City nitong Lunes, Setyembre 28, ang mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa tatlong araw na cross-learning event tungkol sa climate resilience.


Pinangunahan ni Mayor Christian D. Natividad ang pagtanggap sa mga delegado para sa ASEAN Cross-Learning Event 2026 na may temang “Beyond the Risk: Strategic Choices for Climate-Resilient Countries in ASEAN.”
Tinalakay sa pagtitipon ang epekto ng climate change at mga estratehiya upang mapalakas ang kahandaan at katatagan ng mga komunidad sa mga bansang ASEAN na nakararanas ng magkakatulad na climate risks.

Ayon kay Natividad, napili ang Malolos bilang host dahil sa paggamit nito ng Nature-Based Solutions (NBS). Ito ang unang lungsod sa Pilipinas na nagpatupad ng NBS model na idinisenyo ng Netherlands, na gumagamit ng mga likas na solusyon upang makabuo ng mas ligtas at matatag na komunidad.
Sa loob ng tatlong araw, magsasagawa ang mga kalahok ng talakayan, knowledge-sharing sessions at pagpapalitan ng karanasan tungkol sa disaster preparedness, risk reduction at climate adaptation.







