MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes na nasa labas ng bansa si dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon sa BI, walang umiiral na Hold Departure Order (HDO) o derogatory alert laban kay Velasco na maaaring pumigil sa kanyang pag-alis ng Pilipinas.
“The BI cannot disclose further details concerning an individual’s immigration records due to data privacy concerns,” pahayag ng ahensya.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na patuloy pang sinusuri ang mga alegasyon ni dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. laban kina Velasco, Vice President Sara Duterte at iba pa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, maaga pa upang paniwalaan ang mga pahayag ni Gracioso na naghatid siya ng mga maleta ng pera kina Vice President Duterte at Davao City First District Rep. Paolo Duterte umano sa utos ni Velasco at ng asawa nitong si Rowena.
Sinabi ni Matibag na iimbitahan ng NBI sina Velasco at Duterte dahil binanggit ang kanilang mga pangalan sa affidavit ni Gracioso. RNT/MDS