MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mas matibay na pagkilos ng ASEAN laban sa gender-based violence sa online spaces habang patuloy na lumalawak ang digital economy at connectivity sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa 4th ASEAN Women Leaders’ Summit sa Manila, sinabi ni Pangulong Marcos na may mga bagong banta sa kababaihan at mga batang babae kasabay ng patuloy na digitalization, kabilang ang online harassment at abuse.
“Hindi natin maaaring pag-usapan ang pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan habang patuloy na nakararanas ng harassment at pang-aabuso online ang ating mga kababaihan at mga batang babae,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na sinusuportahan ng Pilipinas ang pagbuo ng mga regional digital framework na nagpoprotekta sa kababaihan at mga kabataan, at titiyak na mananatiling ligtas at kapaki-pakinabang na espasyo ang digital platforms.
Nanawagan din ang Pangulo ng konkretong mga polisiya upang maisalin sa aktuwal na hakbang ang mga commitment ng ASEAN sa women’s leadership, kabilang ang pagsusulong ng economic participation, peace and security, at inclusive prosperity.
Ayon kay Pangulong Marcos, dapat magsilbing roadmap ng ASEAN member states ang Joint Ministerial Statement on Women’s Leadership for Inclusive Prosperity sa pagbuo ng mga polisiya at programa tungo sa ASEAN Community Vision 2045. (KRIS JOSE)