Home NATIONWIDE ‘Palakasan’ sa NHA housing projects, binusisi ni Tulfo

‘Palakasan’ sa NHA housing projects, binusisi ni Tulfo

4
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang umano’y “palakasan” sa pagpili ng mga benepisyaryo ng housing projects ng National Housing Authority (NHA), partikular sa pabahay para sa mga biktima ng kalamidad at iba pang trahedya.

Sa deliberasyon ng Senado nitong Setyembre 29 sa panukalang P5.498-bilyong 2027 budget ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at mga attached agency nito, sinabi ni Tulfo na nakatanggap ang kanyang tanggapan ng mga reklamo na may ilang lokal na opisyal umanong pumapabor sa mga kakilala sa pamamahagi ng pabahay.

“Talamak daw ang palakasan. Karamihan daw sa nabibigyan ng pabahay eh mga taga-munisipyo o dabarkads ni chairman,” ani Tulfo, na nagsabing may mga netizen ding nag-email sa kanyang opisina tungkol sa isyu.

Paliwanag naman ni NHA General Manager Joeben Tai, mula sa local government units ang listahan ng mga benepisyaryo para sa resettlement at calamity housing, habang bineberipika ng Office of Civil Defense ang mga biktima ng kalamidad o trahedya.

Ayon kay Tai, tinitiyak naman ng NHA na hindi doble ang pangalan sa listahan o hindi pa dati nabibigyan ng pabahay ang isang benepisyaryo.

Gayunman, iginiit ni Tulfo na dapat magkaroon ang NHA ng mas mahigpit na sistema upang matiyak na hindi napupunta ang libreng pabahay sa mga kaalyado, tauhan o campaign supporters ng mga lokal na opisyal. Sinabi rin niyang may mga reklamo umanong nakatatanggap ng pabahay ang ilan kahit mayroon nang sariling bahay o sasakyan. Wala pang inilabas na hiwalay na beripikasyon sa naturang mga alegasyon.

Tiniyak naman ng NHA na hihigpitan nito ang monitoring sa mga benepisyaryo.

Sinabi ni Tai na may mga pagkakataong ibinebenta umano ng benepisyaryo ang kanilang housing units sa halagang P200,000 hanggang P300,000. Kapag napatunayang nailipat ang unit sa hindi lehitimong benepisyaryo, kinakansela ng NHA ang karapatan dito at pinaaalis ang bumili. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here