MANILA, Philippines — Inihain sa Kamara ang Animal Life Advocacy and Guardianship Act (ALAGA) Bill, na naglalayong palakasin ang proteksiyon sa mga hayop at magpatupad ng mas mahigpit na parusa laban sa animal cruelty, abuse at neglect.
Ang House Bill No. 11495, na isinusulong ng Akbayan Party-list katuwang ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS), ay naglalayong amyendahan at palakasin ang umiiral na Animal Welfare Act.
Kabilang sa itinutulak ng panukala ang pagkakakulong at multa laban sa mga mapatutunayang nang-abuso, nagpabaya o nagmaltrato ng hayop, kasabay ng pagpapalakas sa pagpapatupad ng animal welfare standards sa bansa.
Isinusulong din ng PAWS sa ilalim ng ALAGA proposal ang pagtatatag ng National Commission on Animal Welfare na magkakaroon ng tungkuling tumulong sa regulasyon at monitoring ng animal shelters at pounds.
Bahagi rin ng panukala ang pagpapalakas ng responsible pet ownership at mga hakbang upang matugunan ang problema ng mga stray animal, kabilang ang mas aktibong papel ng local government units sa trap-neuter-vaccinate-return o TNVR programs.
Sa kasalukuyang batas, Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan ng RA 10631, may kaparusahan nang pagkakakulong at multa para sa cruelty, maltreatment at neglect. Maaaring umabot sa dalawang taong pagkakakulong at P100,000 na multa kapag namatay ang hayop, habang maaari namang umabot sa tatlong taon at P250,000 ang parusa sa ilang aggravated circumstances.
Panukalang batas pa lamang ang ALAGA Bill at kailangan pa nitong dumaan sa proseso ng Kongreso bago ito maaaring maging batas. RNT