MANILA, Philippines – Mahigit ₱1.4 bilyong halaga ng puslit na vape products ang winasak ng Bureau of Customs (BOC) matapos ang pinakamalaking pagkakasamsam ng smuggled vape products sa isang operasyon sa kasaysayan ng ahensya.
Ayon sa BOC, aabot sa 3,174 kahon ng vape devices at pods na may tatak na Chillax, Black Bar at Shift ang isinailalim sa condemnation at tuluyang winasak.
Tinatayang nasa ₱1.428 bilyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto na walang nakikitang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps.
Nakumpiska ang mga vape products noong Marso 2026 sa isang warehouse sa Maynila kasunod ng intelligence information at joint operation ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Isinagawa ang 100% physical examination at inventory sa shipment bago ito isinailalim sa seizure proceedings.
Matapos ang proseso, saklaw ang mga produkto ng Warrant of Seizure and Detention at Forfeiture Order na inilabas ng MICP sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Geoffrey K. De Vera IV.
Sinabi ni DOF Assistant Secretary Dakila Elteen M. Napao, na kumatawan kay Department of Finance Secretary Frederick Go, mahalaga ang operasyon upang maprotektahan ang publiko, kita ng pamahalaan at patas na kompetisyon sa merkado.
Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi lamang usapin ng tariffs, duties at buwis ang pagpigil sa mga puslit na vape.
Ayon kay Nepomuceno, maaaring maging delikado ang mga smuggled products dahil hindi dumaan sa tamang pagsusuri at regulasyon.
Upang matiyak na hindi na mababawi, magagamit o maibebenta muli ang mga produkto, dinurog ang mga vape gamit ang roller compactor at saka binuhusan ng tubig.
Nasaksihan ang pagsira ng mga kinatawan mula sa DOF, Department of Trade and Industry (DTI), Commission on Audit (COA), BIR at PCG.
Patuloy namang pinalalakas ng BOC ang pagpapatupad ng batas laban sa iligal na pag-aangkat ng vape products bilang bahagi ng kampanya nito kontra smuggling at para maprotektahan ang kita ng pamahalaan, lehitimong negosyo at mga mamimili. JAY Reyes/larawan kuha ni Eric Ocapan