PANGASINAN, Philippines – Pansamantalang ipinagbawal ng bayan ng Bayambang ang pagpasok at paglabas ng buhay na baboy at fresh at frozen pork upang maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Inilabas ni Mayor ang Executive Order No. 156 matapos ang emergency meeting nitong Huwebes, kasunod ng pagkakatuklas ng hiwa-hiwalay na kaso ng ASF sa anim na barangay.
Tatagal ang pagbabawal ng 30 araw mula Oktubre 1, maliban kung ito ay alisin, amyendahan, bawiin o palawigin. Kasalukuyang kabilang ang Bayambang sa Red Zone para sa ASF.
Ayon kay Municipal Information Officer Rafael Saygo, layunin ng kautusan na mahigpit na mamonitor ang paggalaw ng mga baboy papasok at palabas ng bayan, kasabay ng pagpapatupad ng bagong ASF guidelines ng Department of Agriculture (DA).
“We continue to coordinate with the concerned agencies to ensure that our response is properly and correctly implemented,” ani Saygo.
Kailangang may kumpletong permits, certificates, clearances at iba pang dokumento ang lahat ng baboy at pork products na papasok o lalabas ng Bayambang. Dapat ding dumaan ang mga ito sa itinalagang ASF inspection at quarantine checkpoints at sumunod sa zoning, quarantine at biosecurity protocols.
Magtatatag din ng inspection at quarantine checkpoints sa mga pangunahing entry at exit points ng bayan. Maaari ring inspeksyunin at imonitor ang mga commercial at backyard pig farms, meat processors, pamilihan, slaughterhouse, food establishments at iba pang pasilidad na humahawak o nag-iimbak ng baboy at pork products.
Tinalakay rin ang cash assistance para sa mga hog raiser na apektado ng ASF, na maaaring umabot sa P500,000, pati ang selective at non-selective depopulation, disinfection, surveillance, biosecurity at quarantine measures.
Nilinaw din sa pulong na kumakalat ang ASF kapag naililipat ang virus sa mga baboy at hindi sa pamamagitan ng hangin. RNT/MDS