Home NATIONWIDE Multi-milyong dalawang lupain ni Carpio, ‘di isinama sa SALN ni VP Sara...

Multi-milyong dalawang lupain ni Carpio, ‘di isinama sa SALN ni VP Sara – testigo

1
0

MANILA, Philippines – Hindi isinama ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang dalawang multi-milyong halaga ng lupain na binili ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio na labag sa itinakda ng batas.

Sa kanilang testimonya sa impeachment court, sinabi ng dalawang hepe ng Register of Deeds na dalawang piraso ng lupa sa Davao Region na binili ng asawa ni Carpio ay hindi nakarehistro sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.

Tumestigo sa Senate Impeachment Court sina Davao City Register of Deeds IV Kathy Florence Baldonado at Samal Deputy Register of Deeds III Marco Pineda upang iharap ang mga dokumento ng mga ari-arian ni Carpio sa rehiyon.

Lupa sa Matina

Ayon kay Baldonado, batay sa transfer certificate of title, bumili si Carpio ng 379-square-meter na lote sa Juna Subd., Matina Crossing, Talomo, Davao City, Davao del Sur.

Nakasaad sa deed of sale na nabili ang lupa ni Carpio noong July 2, 2024 sa halagang P6 milyon.

“Base po sa record na hawak ko, wala po sa 2025 (SALN)– wala pong nagmatch sa presyo at sa lugar at ang mode of acquisition ang nakalagay po sa 2025 ay construction at dito po sa aming dokumento ay deed of sale,” sabi ni Baldonado sa korte.

Kinumpirma rin ni presiding officer Francis Escudero na matapos niyang suriin ang SALN ni Duterte, hindi niya nakita ang nasabing ari-arian.

“I did not find this particular property as one of the real properties declared because we checked it against all of the declarations of the vice president,” ani Escudero.

Tumutol dito ang defense lawyer na si Lindon Bacquel at sinabing magiging “erroneous” kung hindi matutukoy ng korte ang parehong ari-arian sa SALN ni Duterte.

Ayon kay Bacquel, dapat isaalang-alang ng korte na kilala rin ang Matina Crossing bilang Brgy. 74A na nakadeclare sa SALN. Nilinaw naman ni Escudero na hindi natagpuan ang property dahil “too generic” ang paglalarawan ng lugar sa SALN.

Ngunit binanggit din niya na may nakalistang pagbili ng lote sa 76A Davao City sa halagang P10 milyon, at isa pa sa Dumoy, Davao City na P2 milyon.

Noong August 24, 2024, nagsagawa rin umano si Carpio ng real estate mortgage sa P6 milyong property pabor sa Philippine Savings Bank para sa P8 milyon.

Lupa sa Samal

Ganoon din ang naging obserbasyon para sa isa pang lote na may sukat na 751 square meters sa Matanos, Island Garden City of Samal, Province of Davao del Norte. Ayon kay Pineda, base sa tala ng registry, nakuha ni Carpio ang lupa noong March 15, 2018 sa halagang P3,453,849.

Nang muling sanggunian ang SALN ng bise, sinabi ni Pineda na “Nothing in this SALN perfectly matches the DOAS (Deed of Absolute Sale).”

Binanggit naman ni Escudero ang 2019 SALN kung saan idineklara ni Duterte ang dalawang pagbili ng lupa sa Brgy. Aundanao, Igacos — isa ay P2 milyon at isa ay P1 milyon.

Pero ayon kay Pineda, kahit malapit sa kabuuang halaga na binayaran ni Carpio, “does not match the deed of sale… in so far as this title is concerned there is only one parcel (of land) not two.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here