Home HOME BANNER STORY 19 ride-hailing firms sinita ng LTFRB sa fare increase

19 ride-hailing firms sinita ng LTFRB sa fare increase

4
0

MANILA, Philippines – Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause order laban sa 19 Transport Network Companies (TNCs) dahil umano sa hindi pagpapatupad ng aprubadong fare increase na nagsimula noong Setyembre 28.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., nakatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa ride-hailing drivers na hindi umano ipinatupad ng ilang TNC ang bagong pamasahe para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).

“Para sa kaalaman ng lahat, ang TNVS partner po ang gumagastos sa gasolina at diesel, at hindi ang mga TNCs. Kaya kapag hindi na-implement ang fare increase para sa kanila, sila po ang maaapektuhan at hindi ang mga TNCs,” ani Pua.

Sa bagong fare rates, tumaas sa P65 mula P45 ang base fare ng sedan, habang naging P75 mula P55 para sa AUV. Ang hatchback ay naging P55 mula P35, habang ang premium TNVS ay P165 mula P145.

Ayon sa LTFRB, ang umano’y hindi pagpapatupad ng bagong rates ay nagresulta sa singil na hindi naaayon sa aprubadong pamasahe at maaaring lumabag sa mga patakaran ng ahensya.

Inatasan ang 19 TNCs na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng tatlong working days kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang accreditation.

Itinakda ang pagdinig sa Oktubre 7. Ayon sa kautusan, ang hindi pagharap sa hearing officer at hindi pagsusumite ng sagot ay maaaring ituring na waiver sa karapatang marinig at magresulta sa pagpapataw ng kaukulang parusa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here