Home NATIONWIDE OSG, handang idepensa BSKE postponement – Malakanyang

OSG, handang idepensa BSKE postponement – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na nakahanda ang Office of the Solicitor General (OSG) na idepensa ang batas na nagpapaliban sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na hinahamon ngayon sa Korte Suprema.

Pinagkokomento kasi ng Korte Suprema ang Office of the President, Senado, Kamara de Representantes at Commission on Elections kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng 2026 BSKE.

Sa katunayan, inatasan ng Korte Suprema ang mga respondent na magsumite ng kanilang komento sa loob ng hindi na maaaring palawiging limang calendar days mula sa pagtanggap ng notice.

Ang kautusan ay kasunod ng petisyong inihain ni election lawyer Romulo Macalintal na humihiling ng temporary restraining order o status quo ante order upang pigilan ang pagpapatupad ng Republic Act No. 12326.

Sa ilalim ng RA 12326, inilipat ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at itinakda na kada limang taon na isasagawa ang mga susunod na halalan.

Hiniling ni Macalintal sa Korte Suprema na ideklarang inoperative, invalid at/o unconstitutional ang batas, partikular ang probisyon nito na nagpapaliban sa 2026 BSKE.

“Sa tingin po ng Pangulo at ng mga mambabatas, ito ang nararapat,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung gaano kakumpiyansa ang Malakanyang na ang inaprubahang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay makatatagal sa legal na pagsusuri ng korte.

“Pero kung anuman ang magiging desisyon po ng Supreme Court, susundin naman po nila. Pero ang stance ng Ehekutibo, ng Comelec, at ng Senado ay ipaglalaban naman din po ng Office of the Solicitor General,” aniya pa rin.

Ang OSG, tatayong kinatawan ng gobyerno sa korte ay naghihintay lamang aniya ng kopya ng petisyon at nakahandang tumalima sa loob ng ibinigay na takdang panahon.

“Nakausap po natin mismo ang Office of the Solicitor General, hinihintay lang po nila iyong kopya ng petisyon dahil mismo ang Comelec at ang Senado ay nakipag-ugnayan na rin po sa Office of the Solicitor General,” ang winika ni Castro.

“Pero handa naman po sila na tugunan agad kapag natanggap na po nila iyong kopya ng petisyon at susunod po sila sa utos ng Supreme Court na kung dapat tumugon. Within five days from receipt of the said petition, they will comply,” ang tinuran nito.

Samantala, ipinaubaya naman na ni Castro sa OSG ang pagtugon sa ipinag-iingay at ipinaglalaban ni Macalintal na ang batas ay paglabag sa karapatang bumoto. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here