MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)–Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱496.413 milyong halaga ng shabu na itinago sa loob ng isang industrial machinery na galing Guadalajara, Mexico.
Ayon sa BOC, umabot sa 73.002 kilo ang nakumpiskang hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad.
Nabatid na dumating sa bansa ang shipment noong Setyembre 26, 2026 ngunit agad itong na-flag matapos makatanggap ang mga awtoridad ng intelligence report hinggil sa posibleng presensya ng ilegal na droga.
Dahil dito, naglabas ng Alert Order at isinailalim sa masusing pagsusuri ang kargamento sa isang warehouse sa Pasay City noong Oktubre 2.
Sa isinagawang X-ray scanning, nakita ang kahina-hinalang imahe sa loob ng tubular frames ng isang pelletizing machine.
Sinundan ito ng K9 sweep ng PDEA na nagbigay ng indikasyon na maaaring may nakatagong ilegal na droga sa loob ng makinarya.
Nang buksan at suriin ng Customs examiners ang tubular portions ng makina, tumambad ang ilang pakete na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na tumimbang ng kabuuang 73,002 gramo.
Nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang isinagawang field testing.
Ayon kay BOC-NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa, ipinakita ng operasyon ang kahalagahan ng intelligence, teknolohiya at koordinasyon ng mga ahensiya upang matukoy maging ang mga drogang itinatago sa loob ng mga lehitimong kargamento.
Samantala, nagbabala si Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa mga sindikatong gumagamit ng lehitimong cargo bilang pantakip sa pagpupuslit ng droga.
Aniya, hindi makalulusot ang mga ilegal na shipment dahil patuloy na paiigtingin ng BOC ang intelligence-driven operations at pakikipagtulungan sa PDEA at iba pang law enforcement agencies.
Kasama sa operasyon ang BOC-NAIA, PDEA, CAIDTF, Enforcement and Security Service, X-ray Inspection Project, Customs Intelligence and Investigation Service at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Patuloy naman ang imbestigasyon at pagsasagawa ng kaukulang legal na hakbang laban sa mga nasa likod ng shipment. JAY Reyes/larawan kuha ni Eric Ocapan