Home OPINION PRIMEWATER: SERBISYO O PASANIN?

PRIMEWATER: SERBISYO O PASANIN?

3
0

HINDI pa rin natatapos ang kontrobersiya sa PrimeWater. Sa halip na maayos na serbisyo, reklamo ang patuloy na kinahaharap nito, kasabay ng hakbang ng ilang water district na tapusin ang kanilang kasunduan at pagsusuri ng mga awtoridad sa mga kuwestyonableng transaksyon.

Maging ang Sangguniang Panlungsod ay nagpasa ng resolusyong nagdedeklara sa PrimeWater bilang “unwelcome enterprise.” Isang malinaw na senyales na hindi na basta-basta matanggap ng ilang lokalidad ang serbisyong iniuugnay sa kompanya.

Pero higit na dapat busisiin ang mga Joint Venture Agreement, partikular ang pagpasok ng PrimeWater sa San Jose del Monte noong 2018.

Batay sa government record noong Marso 2017, kabilang sina Enrique Delos Santos, Nida Nicolas, Aurora Camua, Jovita Mateo at Loreto Limcolioc sa mga opisyal ng SJDM Water District. Sa tala naman ng COA, nakalista rin sina Delos Santos, Mateo, Nicolas, Camua, Aurelio Jose at Limcolioc.

May mga lumang reklamo at alegasyong nag-uugnay sa ilang opisyal sa usapin ng JVA, kabilang ang reklamong inihain noong 2018 laban kina Arthur at Florida Robes at ilang water district officials kaugnay ng water-tank incident.

Gayunman, hindi kasama ang mga opisyal ng SJDM Water District sa unang listahan ng respondents sa 2026 PrimeWater complaints ng Ombudsman. Hindi rin nangangahulugan ang pagkakabanggit sa mga dokumento na may nagawang paglabag ang sinoman.

Subalit hindi dapat dito matapos ang pagsusuri. Dapat malinaw kung sino ang lumagda, nag-apruba at nakialam sa kasunduan, at kung may nakinabang sa paraang labag sa batas.

Hindi sapat ang sisihan. Ilabas ang mga dokumento at panagutin ang mapatutunayang lumabag.

Ang tubig ay pangunahing pangangailangan, hindi negosyo na maaaring isakripisyo ang kapakanan ng konsyumer. Kung ang JVA ay hindi nagsilbi sa publiko, sino ang tunay na nakinabang?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here