HINDI si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pinakagustong tao sa pulitika. Pero nang sabihin niyang may pananagutan si Vice President Sara Duterte-Carpio na magbigay sa bayan ng tapat na pagtutuos sa kanyang yaman, kalakip ang mga resibo, inuulit lamang niya ang hinihingi ng Konstitusyon.
Ngayong linggo, tigil-muna sa palitan ng maaanghang na salita ang Senate impeachment court at bukas na ang mga ledger. Sa Article II, tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, maling SALN at patuloy na interes sa negosyo, tatawagin ng mga tagausig si Anti-Money Laundering Council chief Ronel Buenaventura at mga opisyal ng Bureau of Internal, bangko at insurance firms upang tumestigo hanggang Oktubre 9.
Nakagugulat ang mga numerong nasa mesa: ₱6.77 bilyong pinagsama-samang transaksyon sa mga account na inuugnay kay VP Sara at sa kanyang asawang si Atty. Mans Carpio, kabilang ang ₱4.4 bilyong pumasok na pera.
Ayon kay Trillanes, mayroon pang iba: mga tsekeng umano’y mula sa hinihinalang drug lord na si Sammy Uy, mga remittance patungo sa Cale88 Food Corp. at Tapang at Malasakit Foundation, at mga time deposit noong 2007 at 2008 na hindi umano idineklara.
Ngunit marami sa mga ito ay walang bigat bilang ebidensiya sa paglilitis. Lalo’t tinawag ng depensa ang mga alegasyon na “malicious fabrications” at “black propaganda.”
Iyan mismo ang dahilan kung bakit mahalaga ang mga rekord ng bangko at buwis. Dapat patunayan ng mga ito kung tugma ang galaw ng pera sa yaman na idineklara niya — walang dagdag, walang bawas. Kinumpirma na ng AMLC na lahat ng 18 sa 18 transaksyong isinampol nito ay tumugma sa kanilang mga rekord. Kung malinis ang paper trail, malinis din siya. Kung hindi, walang titulo ang makapaghuhugas nito.
Maaaring ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa si Inday Sara, pero hindi iyon lisensya para makaiwas sa pananagutan. Ang pampublikong posisyon ay isang public trust, kaya dapat may transparency at accountability. Dapat niyang payagang ilabas ang mga dokumento at hayaang ang mga ito mismo ang magsalita sa bukas na paglilitis.
Babala sa mga school event
Dalawang bata ang patay at dalawa ang sugatan matapos mauwi sa trahedya ang isang fun run sa Cauayan South Central School sa Isabela noong weekend. Batay sa paunang findings, posibleng short circuit o grounding fault ang sanhi. Patuloy ang imbestigasyon, kaya walang dapat magmadaling magturo ng salarin bago lumabas ang resulta.
Pero mas nakakabahala: may kahalintulad nang trahedya sa Iloilo noong Hunyo. Kailangang ituring ng mga paaralan, lokal na pamahalaan at organizers ang tubig, bula at kuryente bilang kombinasyong maaaring pumatay. Bago ang anomang ganitong event, dapat may electrical inspection, safety clearance at trained personnel.
Ang kaligtasan ay hindi dapat isinasantabi para lamang matuloy ang anumang programa. Hindi sapat ang “ingat.” Dapat may patunay na ligtas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






