Home NATIONWIDE Buong taong revenue target ng BOC nalampasan na

Buong taong revenue target ng BOC nalampasan na

2
0

MANILA, Philippines — Hindi pa man tapos ang 2026, nalampasan na ng Bureau of Customs (BOC) ang itinakda nitong buong taong revenue target, matapos makalikom ng ₱757.406 bilyon mula Enero hanggang Setyembre.

Ayon sa BOC, mas mataas ito sa ₱748.494 bilyong target para sa buong taon, kaya nasa ₱8.912 bilyon na ang sobrang koleksiyon ng ahensya kahit may tatlong buwan pa bago matapos ang 2026.

Mas mataas din ng ₱55.735 bilyon, o 7.9 porsiyento, ang nakolekta ng BOC kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Lalong umangat ang koleksiyon noong Setyembre kung saan nakapagtala ang BOC ng ₱93.339 bilyon, lagpas sa buwanang target na ₱89.184 bilyon.

Bagama’t hindi naabot ng ahensya ang target noong Agosto matapos makalikom ng ₱81.4 bilyon, mas mataas pa rin ito ng ₱3.9 bilyon kumpara sa ₱77.3 bilyon na nakolekta noong Agosto 2025.

Ayon sa BOC, ipinapakita ng aktuwal na koleksiyon na hindi lamang nakabatay sa projection ang kanilang revenue performance.

Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na nananatiling “ambitious” ang kanilang ₱1-trilyong revenue collection goal para sa 2026.

Gayunman, sinabi niyang ang kasalukuyang resulta ng koleksiyon ay nagpapakitang nasa tamang direksiyon ang ahensya upang maabot ang mas mataas nitong target.

Hinimok din ni Nepomuceno ang buong Bureau na ituring ang ₱1-trilyong target bilang pananagutan at misyon ng lahat, hindi lamang ng iilang opisyal o empleyado. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here