MANILA, Philippines – Maaaring “candidate for money laundering” ang Cale88 Foods Corp., na may bahagi ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases Carpio, ayon sa isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagpapatuloy ng imepachment trial.
Sinabi ito ni AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura bilang sagot sa mga clarificatory question ni Senate President Sherwin Gatchalian sa ikalawang araw ng kanyang pagtestigo sa ika 33 araw ng impeachment trial ni Duterte sa Senado.
Nagtaka si Gatchalian kung bakit may inflow na P776.6 milyon at outflow na P154.6 milyon mula 2022 hanggang 2025 ang Cale88, gayong P125,000 lamang umano ang paid-up capital nito.
“Ang sales nila since 2021 was only P23 million, assets nila P18 million, and liabilities ay P20 million. Kasi kung hindi mahanap sa libro yung P776 million, candidate ba itong Cale88 for money laundering? In your expert opinion, at experience mo, dapat ma-reflect yan sa books di ba?” tanong ni Gatchalian.
“As a starting point po, it’s difficult to say. As starting point, maaari po, but we have to consider all other factors,” sagot ni Buenaventura.
Giit ni Gatchalian, “Pero puwede siyang candidate for money laundering?”
“Kung candidate lang po, yes, but we have to consider all other factors,” tugon ng testigo.
Tinanong din ni Gatchalian kung ano ang gagawin ng AMLC kapag na-classify bilang candidate for money laundering ang isang korporasyon.
“In general lang po, we have to determine kung ano po yung unlawful activity na maaaring pinanggalingan ng pera, or naging transaction dun sa pera,” ani Buenaventura. Binanggit niya ang mga posibleng predicate offense gaya ng kidnapping for ransom, drug trafficking, at graft and corruption.
“The proceeds must come from illegal activity,” dagdag niya.
“Dito niyo na titingnan kung saan nanggaling yung pera. Dito niyo na rin titingnan, kasi kalahati ng sales nila, galing ng China whether yung entity sa China is legitimate or not,” sabi ni Gatchalian, na tinutukoy ang P319 milyong remittance ng Cale88 mula sa mga kompanya sa China, ayon sa ulat ng AMLC.
Kinumpirma ni Buenaventura na nakatanggap ang Cale88 ng kabuuang P319.326 milyong inward remittance mula sa mainland China at Hong Kong, batay sa mga rekord ng AMLC na iprinisinta sa impeachment court.
Sa halagang ito, humigit-kumulang P315.94 milyon ang mula sa mainland China, habang P3.39 milyon ang mula sa Hong Kong. Kabilang sa mga transaksiyon ang covered transaction reports at suspicious transaction reports.
Tatlo sa mga transaksiyon ang na-flag bilang suspicious dahil walang “underlying legal or trade obligation, purpose or economic justification.”
Tinanong din ni Gatchalian ang opisyal ng AMLC kung pasok ba ang pinansiyal na kalagayan ng Cale88 sa dahilang “not commensurate with the business or financial capacity of the client.”
“Kung ang capital ay P125,000, tapos pumasok P776 million in sales o cash, pasok ba siya dito? Is the capital of P125,000 commensurate to P776 million?” tanong ng Senate chief.
Sinabi ni Buenaventura na dapat tignan ang nature of the business of magsagawa ng imbestigasyon. Gail Mendoza