MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang publiko na maging mas maingat at tumulong sa pag-iwas sa forest fires o sunog sa kagubatan habang naghahanda ang bansa sa posibleng epekto ng El Niño.
Sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Lunes, sinabi ni Civil Defense Undersecretary Harold Cabreros na mahigpit na mino-monitor ng pamahalaan ang epekto ng matinding init, kabilang ang posibleng pagdami ng forest fires.
“One of which, ang nakikita natin ay magkakaroon ng increase ng forest fires,” ani Cabreros.
Hinimok ni Cabreros ang publiko na makipagtulungan sa pamahalaan at maging maingat upang maiwasan ang sunog, lalo na ngayong papasok ang tag-init.
“Likewise we just want to encourage everyone as mentioned a while ago, to please cooperate at makipagtulungan sa ating mga water, energy conservation and of course, sa ating mga pangkabuhayan,” ani Cabreros.
Sinabi ni Cabreros na maaaring maapektuhan ng forest fires ang kagubatan at agrikultura kaya mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko upang maiwasan at agad na matugunan ang mga insidente.
“So iyon ang isang titingnan natin, iyong mga cascading effects ng El Niño. Aside from iyong sa health concerns, sa ating mga food and of course energy, but also sa mga ganoong pangyayari katulad ng forest fires,” paliwanag ni Cabreros.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga concerned agency upang maging handa sa posibleng epekto ng El Niño. (KRIS JOSE)