MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 30 active na bank account sa walong bangko ang personal na hawak nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025, ayon sa offer of testimony ng prosekusyon sa Senate impeachment court sa pagpapatuloy ng ika 33 araw ng paglilitis.
Sinabi ni Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih na lampas P190 milyon ang pinagsamang year-end balance ng mag-asawa sa loob ng apat na taon.
Ipinakita ng prosekusyon ang mga bank record para ipakitang hindi idineklara ang mga balanseng ito sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Ginawa ni Alih ang offer bago iprisinta si Eunice Sumatra, manager ng San Pedro, Davao branch ng Land Bank of the Philippines, bilang unang bank witness.
Naglatag ang prosekusyon ng 13 testigo mula sa walong bangko para tukuyin at patunayan ang pagiging tunay ng mga financial record na isinumite sa impeachment court.
Saklaw ng common offer ang Land Bank, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Company, Security Bank, Bank of the Philippine Islands, Philippine National Bank at BDO.
Anim na punto ang patutunayan ng mga bank witness, ayon kay Alih. Una, kukumpirmahin nilang awtorisado silang kinatawan ng kanilang mga bangko at tutukuyin at patutunayan nila ang mga rekord na isinumite ng kanilang institusyon.
Ikalawa, saklaw ng mga dokumento ang bank record nina Duterte at Carpio at ng mga entity kung saan may business interest ang mag-asawa.
Ikatlo, patutunayan ng testimonya na hindi bababa sa 30 active account ang personal na hawak ng mag-asawa sa walong bangko mula 2022 hanggang 2025.
Ikaapat, ipapakita ng mga bank record ang pinagsamang balanse ng mag-asawa sa katapusan ng bawat taon.
Batay sa mga figure na binasa ni Alih sa rekord, mahigit P59 milyon ang laman ng mga account sa katapusan ng 2022 at mahigit P71 milyon sa katapusan ng 2023. Lampas P22 milyon naman ang pinagsamang balanse sa katapusan ng 2024 at lampas P35 milyon sa katapusan ng 2025.
Ikalima, sinabi ni Alih na kapag pinagsama ang mga balanse sa apat na year-end, lampas ito sa P190 milyon at hindi idineklara sa mga SALN ni Duterte.
Ayon kay Alih, uumpisahan ang presentasyon sa mga account record bago tumungo sa mas malalaking transaksiyong makikita sa mga dokumento.
“We will be working our way up to bigger and bigger transactions as we go along,” pahayag nii Alih.
Balak iprisinta ng prosekusyon ang dalawang Land Bank witness , tatlong kinatawan ng Asia United Bank at ang mga testigo mula sa anim na natitirang bangko.
Giit ni Alih, inilalatag lamang ng prosekusyon sa impeachment court ang mga figure at account record na gawa ng mga bangko para patunayan at ikumpara sa mga sworn declaration ni Duterte. Gail Mendoza