MANILA, Philippines – Sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na maliit na bagay lamang para sa kanya ang arrest order na inilabas ng Makati Regional Trial Court kumpara sa mga pinagdaraanan ng ibang tao.
Sa kanyang Facebook post noong Miyerkules, nagpasalamat si Leviste sa mga sumusuporta sa kanya at sinabing mas inaalala niya ang mga ito kaysa sa sarili niyang sitwasyon.
“Salamat sa lahat ng sumusuporta. Huwag niyo akong alalahanin, maliit na bagay lang ito kumpara sa ibang nangyayari. Kayo ang inaalala ko,” ani Leviste.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na naglabas ng warrant of arrest ang Makati RTC Branch 235 laban kay Leviste noong Oktubre 5, 2026, kaugnay ng umano’y paglabag sa Section 25 ng Public Service Act.
Nilagdaan ni Presiding Judge Ricardo Moldez II ang warrant na may itinakdang piyansa na P72,000.
Nakasaad sa Section 25 ng Public Service Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659, na maaaring maparusahan ang sinumang sadyang nagpapabaya o nabigong gampanan ang tungkulin ng isang public service corporation o kumpanya.
Nahaharap din sa batikos si Leviste dahil sa mga hindi natapos na solar energy project na konektado sa kanyang kumpanya. Itinanggi niya ang paghahambing dito sa mga tinatawag na ghost project.
Ayon sa Department of Energy, 163 power project ang kinansela dahil sa hindi pagtupad sa mga itinakdang deadline. Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na 64 porsiyento ng mga kinanselang proyekto ay hawak ng kumpanya ni Leviste, na may kabuuang P24 bilyong penalty.
Kabilang dito ang 33 kontratang nakuha sa ilalim ng Green Energy Auction Program at iba pang kasunduan na ginawa mula 2014 hanggang 2019.
Samantala, umalis ng bansa si Leviste noong Agosto at iniulat na nasa France kasama ang kanyang ina na si Sen. Loren Legarda, na naka-medical leave at nagpapagamot doon, ayon sa kanyang tagapagsalita na si Tony La Viña. RNT/MDS