NAVOTAS CITY, Philippines – Ibinalibag sa loob ng selda ang isang kelot na wanted sa kaso ng multiple sexual offense nang malambat ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang pagtugis sa 19-anyos na akusado na residente ng Brgy., NBBS Dagat-Dagatan na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Navotas City Police Station.
Dakong alas-12 ng tanghali nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng NPD District Special Operations Unit (DSOU), Warrant Section of Navotas City Police Station, at Intelligence Unit ang akusado sa M. Naval Street.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 9, Navotas City, para sa kasong Statutory Rape, Sexual Assault, at dalawang bilang ng Acts of Lasciviousness.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail.
Ayon kay BGen. Capili, hindi sila titigil sa pagtugis sa mga wanted na indibidwal para maaresto sila, maiharap sa tamang proseso at mapanagot sa kanilang mga kaso. (Merly Duero)