MANILA — Pormal nang binuksan sa publiko ang redeveloped Ilaya Buting Linear Park sa Barangay Buting, Pasig City matapos itong pasinayaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Pasig City government nitong Oktubre 8.
Isinagawa ang proyekto sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) sa pamamagitan ng Green Green Green Program ng MMDA, bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dagdagan ang mga green at open spaces sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, naging posible ang proyekto dahil sa pagtutulungan ng national government at Pasig City government. Ito na rin aniya ang ikatlong linear park na naitayo sa lungsod.
Hinimok ni Artes ang mga residente ng Barangay Buting na ituring ang parke na parang sarili nilang pag-aari at sama-samang pangalagaan ang kalinisan at kaayusan nito.
Nangako rin ang MMDA chief na madadagdagan pa ang mga halaman sa parke at planong lagyan ito ng vertical garden o greenhouse na maaaring pakinabangan ng mga residente.







