Home NATIONWIDE Cayetano sa mga lider: Integridad, gawing sentro ng pamumuno

Cayetano sa mga lider: Integridad, gawing sentro ng pamumuno

4
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang mga kapwa pinuno ng bansa na gawing sentro ang integridad sa kanilang pamumuno.

Aniya, ito ay sa pamamagitan ng pag-amin at pagwawasto sa mga naging pagkakamali, na siyang susi sa pagsasaayos ng pamamalakad sa bansa.

“There is a spiritual war that is happening. Honesty versus dishonesty. Integrity versus kawalan ng integrity. So, we want to fix our government? It’s not about the sinner. It’s about the sin,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream nitong October 7.

“So, to myself, to the Senate, to all the leaders – business leaders, youth leaders, religious leaders: let’s make integrity central to us. As I say it to you, I say it to myself,” aniya.

Tinukoy ni Cayetano ang flood control scandal bilang “culmination” ng mga naging pagkakamali sa iba’t ibang administrasyon “na akala natin na-address na… tapos biglang lumitaw.”

Para maibalik ang integridad sa programang pang-imprastruktura, bahagi lang aniya ng solusyon ang pagkakaroon ng mga bagong hakbang para sa transparency. Ang kailangan muna aniyang lutasin ay ang puno’t dulo ng buong iskandalo: ang mga ghost project.

“Where do we start? How do we put integrity back? It’s not by saying, ‘O simula 2026, simula 2027, bantayan n’yo na kami.’ Hindi po,” aniya. “Kailangan natin makita y’ung mali. Kasi kung hindi, y’ung mga corrupt, hindi naman titigil ‘yan eh. Uulit at uulit ‘yan,” aniya.

Muling iminungkahi ni Cayetano na maglabas ang DPWH ng kumpletong listahan ng lahat ng mga naunang flood control project at ipakuha sa mga district engineer at lokal na opisyal ang litrato ng bawat isa. Kung walang litrato, kumpirmadong “ghost” ang proyekto.

“Kunan lang [ng litrato] lahat ng projects, may listahan ka lang, and by now, you should know which one is ghost at hindi,” aniya.

Dagdag ni Cayetano, ang integridad sa flood control investigation ay nangangahulugang walang papaburan at walang pag-iinitan.

“So hindi mo masisi ang tao kung nagtatanong, ‘ano ba ang nangyayari d’yan?’ Because after a year, hindi pa maibigay eksakto y’ung listahan [ng ghost projects], and then may mga lugar na pinag-iinitan, may mga lugar naman na parang hindi tinitignan. So again, it goes back to what? Integrity,” aniya.

Kaugnay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day, nanawagan din si Cayetano ng integridad sa sistema ng edukasyon. Aniya, kailangang harapin ang tinawag niyang “mistake” ng gobyerno sa pagpapatupad ng K to 12 at maging handang gumawa ng mga “radical” na solusyon.

“When we say K to 12, let’s look in the mirror and say, kaya ba natin ibigay ito sa mga bata? Kung hindi, let’s admit our mistake and fix it,” aniya, kasabay ang mungkahing ibalik ang dating kurikulum kung hindi kayang pondohan nang buo ng gobyerno ang K to 12.

Hinikayat din ni Cayetano ang kanyang mga manonood na isabuhay ang integridad sa araw-araw.

“We have to ask ourselves, sa buhay ba natin, do we have integrity? Ang gobyerno ba natin may integrity? Ang relationships ba natin may integrity? Y’ung pagtatrabaho po ba natin sa ating boss, do we do it with integrity?” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here