MANILA, Philippines – Ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court 98 nitong Biyernes, Oktubre 9, ang arraignment ni Vice President Sara Duterte para sa reklamong grave threats.
“Minabuti nga ng judge na huwag munang ituloy ang arraignment today,” sinabi ng legal counsel ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim.
Ito na ang ikalawang postponement ng arraignment na orihinal na itinakda noong Setyembre 11.
Tumanggi namang ibahagi ng abogado ni Duterte ang bagong iskedyul dahil nais niyang sa korte na o sa prosekusyon manggaling ang impormasyon.
Ani Lim, nagdesisyon ang presiding judge na pag-aralan muna ang pending motion for partial reconsideration ad cautelam ni Duterte sa RTC maging ang petition for certiorari sa Korte Suprema.
Aniya, layon ng motion for partial reconsideration na kumbinsihin ang presiding judge na baliktarin ang bahagi ng naunang kautusan na tumatanggi sa mosyon ng depensa para sa inhibition ng judge mula sa kaso.
Sa naunang hearing, tinanggihan ng judge ang motion for inhibition ngunit pinagbigyan ang depensa sa hiling na i-defer ang arraignment.
Humiling din ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) kaugnay sa kaso.
Matatandaan na noong Agosto 11 ay naghain ang Department of Justice (DOJ) ng three counts ng reklamong grave threat kaugnay sa mga sinabi ni Duterte sa online press conference noong 2024. RNT/JGC