SARANGANI, Philippines – Sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ng Sarangani ang face-to-face classes sa lahat ng antas at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno ngayong Biyernes, Oktubre 9, kasunod ng magnitude 6.4 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Huwebes.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2026-10-01, saklaw ng suspensiyon ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan at tanggapan ng gobyerno sa lalawigan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin nitong bigyang-daan ang inspeksiyon sa mga gusali ng paaralan at pasilidad ng gobyerno, pagsusuri sa posibleng pinsala, at pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA).
Naganap ang lindol dakong alas-4:07 ng hapon noong Oktubre 8. Batay sa rekomendasyon ng DepEd Schools Division of Sarangani at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang suspensiyon.
Hindi saklaw nito ang mga kawani ng gobyerno na nagbibigay ng serbisyong pang-emergency, pangkalusugan, medikal, pangkapayapaan at pangkaligtasan, at disaster management. Inatasan naman ang ibang tanggapan na gumamit ng alternatibong work arrangements, kabilang ang work-from-home.
Hinimok din ang mga pribadong negosyo na isaalang-alang ang flexible work arrangements o pansamantalang suspensiyon ng trabaho para sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado.
Nilagdaan ang memorandum ni Vice Gov. Danny A. Martinez, na nagsisilbing officer-in-charge ng Office of the Provincial Governor. Agad itong nagkabisa noong Huwebes. RNT/MDS