Home TOP STORIES Trump, di aatake sa Iran bago midterm elections sa Nobyembre

Trump, di aatake sa Iran bago midterm elections sa Nobyembre

3
0

WASHINGTON, D.C. – Ipinahayag ni US President Donald Trump nitong Huwebes na hindi aatake ang Estados Unidos sa Iran bago ang midterm elections sa Nobyembre 3, dahil nagpapatuloy umano ang “productive discussions” sa pagitan ng Washington at Tehran.

Sa pahayag sa kanyang Truth Social account, sinabi ni Trump na mananatiling mahigpit ang blockade sa Iran, ngunit walang planong maglunsad ng pag-atake bago ang halalan.

Ang pahayag ay kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis matapos lumabas ang mga ulat na pinag-aaralan ng White House at Pentagon ang mga posibleng target sa Iran na maaaring atakihin bago ang halalan.

Tumaas sa $105.88 kada bariles ang Brent crude, ang pandaigdigang benchmark ng langis, bago bumaba sa $104.28. Bukod sa tensyon sa Iran, nakaaapekto rin sa presyo ng langis ang sitwasyon sa Strait of Hormuz at ang alitan ng mga rebeldeng Houthi na suportado ng Iran at Saudi Arabia.

Samantala, nangako si Russian President Vladimir Putin na gagawin ng Russia ang lahat ng makakaya upang makatulong na wakasan ang digmaan sa Middle East. Sa pakikipagpulong kay Iranian President Masoud Pezeshkian sa Turkmenistan, sinabi ni Putin na handa silang tumulong sa paghahanap ng solusyon.

Sinabi naman ni Pezeshkian na nais ng Iran ang isang pinal na kasunduan upang wakasan ang digmaan, ngunit inakusahan niya ang Estados Unidos ng muling pag-atake sa tuwing nagkakaroon ng negosasyon. Ayon sa kanya, hindi magkakaroon ng resolusyon kung ipipilit ng Washington ang sarili nitong mga kondisyon.

May kaugnayan din sa halalan ang hakbang ni Trump, dahil maaaring mawalan ng kontrol sa Kongreso ang kanyang Republican Party. Bagama’t hindi siya kandidato sa midterm elections, nagsasagawa siya ng mga rally upang suportahan ang kanyang partido. Nagbabala rin siya na maaari siyang maharap sa ikatlong impeachment kung mabawi ng mga Democrat ang mayorya sa House of Representatives.

Hiwalay dito, itinanggi ni Trump na mali ang kanyang mga pahayag tungkol sa posibleng pag-atake ng Iran sa Los Angeles at San Diego. Sinabi niyang ang tinutukoy niya ay ang pansamantalang pagtaas ng presyo ng gasolina bilang maliit na kapalit upang mapigilan ang Iran na magkaroon ng sandatang nukleyar. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here