QUEZON CITY, Philippines – Arestado ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang 24-anyos na lalaki na kinilala sa alyas na “Rico” dahil sa umano’y pagnanakaw sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, madaling-araw ng Biyernes, Oktubre 9, 2026.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Holy Spirit Police Station (PS 14), bandang alas-12:19 ng madaling-araw nang makita ng biktima sa CCTV ang suspek na umano’y kumukuha ng mga personal na gamit mula sa kanyang silid. Ang suspek ay umuupa ng katabing kuwarto sa ikatlong palapag ng parehong gusali.
Agad na iniulat ng biktima ang insidente sa pulisya. Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng PS 14 at naaresto ang suspek sa loob ng kanyang silid.
Kabilang sa mga iniulat na nawawalang gamit ang tatlong mobile phone at perang nagkakahalaga ng ₱330,000. Tinatayang ₱359,000 ang kabuuang halaga ng mga ninakaw na ari-arian. Hindi pa nababawi ang mga ito.
Isasampa laban sa suspek ang kasong theft sa Quezon City Office of the City Prosecutor.
Hinikayat ni QCPD Acting District Director Police Brigadier General Christopher Olazo ang publiko na maging mapagmatyag at tiyakin ang seguridad ng kanilang mga tahanan at ari-arian.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agarang pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad at pakikipag-ugnayan sa pulisya upang mapabilis ang pagtugon at mapanatili ang kaligtasan ng komunidad. Santi Celario