Home NATIONWIDE PBBM, nais maiwasan abala sa publiko sa pagpapatupad ng NCAP

PBBM, nais maiwasan abala sa publiko sa pagpapatupad ng NCAP

4
0

MANILA, Philippines – Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matiyak na hindi maaabala ang publiko sa pagpapatupad ng pinalawak na No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sa press briefing sa Singapore, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakikipag-ugnayan na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Don Artes sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko sa EDSA, Roxas Boulevard, Commonwealth Avenue at Ortigas Avenue.

Ayon kay Castro, kailangang ayusin ang mga posibleng teknikal na problema at maiwasan ang pagkalito sa implementasyon ng NCAP upang hindi maapektuhan ang mga motorista.

“Maiaayos na kung anuman ang gusot dito, kung magkaroon ng mga technical issues dito. Maaayos naman ito. Ang nais ng Pangulo, ang laging utos ng Pangulo, hindi dapat magdusa ang ating mga kababayan sa mga isyung kaya namang iresolba,”  ayon kay Castro.

Makikipag-ugnayan din ang mga lokal na pamahalaan sa MMDA sa paglalagay ng mga kamera upang maiwasan ang pagsasapawan ng mga ito sakaling maglagay din ang ahensiya ng kaparehong kagamitan.

Ipinagpatuloy ang pagpapatupad ng NCAP sa mga piling lungsod sa Metro Manila noong Oktubre 5, matapos alisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban dito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here