ANO ba ang nangyayari kay Pangulong Bongbong Marcos at hindi happy sa kanya ang nakararaming Pinoy?
‘Yan ay kung totoong inilalarawan ng damdaming Pinoy ang muling pagbagsak ng satisfaction rating ni Pang. Bongbong sa sarbey na isinagawa ng Social Weather Station nitong Setyembre. 2026.
Bumagsak ang grado ng Pangulo sa -11 mula sa -7 noong Hunyo.
Gayunman, mas mataas ang -11 sa -15 na grado nito noong Marso 2026.
Kinuwenta ang -11 bagsak na grado mula sa 46% na “hindi nasisiyahan” kumpara sa 35% “nasisiyahan”
habang hindi naman kinuwenta ang 20% “hindi makapagpasya.”
Trabaho ng Pangulo ang sinusukat dito at tinitingnan kung nararamdaman ng taumbayan ang magandang resulta ng mga gawain ng Pangulo.
Walang tinukoy ang SWS o Social Weather Station na mga larangan sa gawain ni Marcos na roon hindi nasisiyahan ang nakararami.
Taumbayan na lang ang nakaaalam niyan.
Pero kung pupunta ka sa loob ng mga pamilya, malaking problema nila ang sobrang taas na ng presyo ng mga bilihin habang hindi naman makahabol ang kita ng mga ito para tugunan ito.
Lumalabas ding inutil ang pamahalaang Marcos laban sa sobrang mahal na mga produktong petrolyo na dahilan na ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paghihirap ng milyong mamamayan, kasama ang mga nasa transportasyon, ang mga pampubliko lalo na.
Wala ring nangyayari sa laban sa mga korap, lalo na sa mga pinaka sa mga korap mula Palasyo hanggang Senado at Kamara.
Mabilis ding lumalaganap ang droga at napakarami na ngayong krimen gaya ng mga pagpatay, pag-rape at pagnanakaw.
Bagsak na rin ang ekonomiya ng bansa sa laki ng utang ng gobyerno na umaabot na sa P19 trilyon at taon-taong nang binabawasan ang pambansang badyet ng P2 trilyon kada taon para pambayad sa principal at interes dito.
Nagbubunga ito ng maliit na mga badyet para sa mga programang ikaangat sana ng kabuhayan ng higit na nakararami.
Sey n’yo?






