CAMARINES SUR, Philippines – Viral sa social media ang video ng isang motorcycle passenger na umano’y nanulak sa isang 50-anyos na sorbetero habang bumibiyahe sa Barangay Catagbacan, Goa, Camarines Sur, noong Oktubre 10, 2026, dahilan upang mawalan ng balanse at tumilapon sa kalsada ang biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng hapon patungong Tigaon ang sorbetero nang mag-overtake sa kanya ang isang motorsiklong may dalawang sakay. Makikita sa video ang umano’y pagtulak ng angkas sa tindero habang magkasabay silang bumibiyahe.
Depensa naman ng rider at angkas, inilabas lamang umano ng angkas ang kanyang kamay dahil napansin niyang posibleng magdikit ang kanilang mga motorsiklo. Ayon sa kanila, hindi nila sinasadya ang nangyari.
Nagtamo ng sugat sa kanang kamay ang sorbetero at nagasgas din ang kanyang motorsiklo. Dinala siya sa pagamutan para magamot.
Ayon sa pulisya, nagkasundo ang dalawang panig na sasagutin ng rider at angkas ang pagpapagamot sa biktima at ang pinsala sa motorsiklo nito.
Samantala, naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show-cause order laban sa rider at iniutos ang 90-araw na preventive suspension ng kanyang lisensya habang iniimbestigahan ang insidente. Inilagay rin sa alarm status ang ginamit na motorsiklo.
Kabilang sa mga posibleng paglabag na iniimbestigahan ang reckless driving, hindi pagtupad sa tungkulin ng driver sa oras ng aksidente at paglabag sa Motorcycle Helmet Act. Ayon sa LTO, kailangang magpaliwanag ang rider sa loob ng 10 araw kung bakit hindi siya dapat managot sa mga paglabag. RNT/MDS